Monday, April 25, 2016

Anong Meron si Mar Roxas na wala ang Iba?

Mar Roxas


Marami sa aking mga kaibigan ang nagtatanong kung bakit si Mar Roxas ang pinili kong suportahan sa darating na halalan. Hindi naman ako dating hayagan kung magbigay ng sariling opinyon lalo’t pagdating sa isyu ng pulitika. Pero hindi ako makapapayag na basta na lang balewalain ang darating na eleksyon dahil ito ang magiging basehan ng isang magandang bukas para sa bansa. Ano bang meron si Mar? Malamang ito ang itatanong sa akin ng aking mga kaibigan. Naniniwala akong makatao siya. Marangal at siguradong maaasahan. Matagal na panahon na niyang iginugol ang kanyang oras sa kasanayan niya sa pagiging bahagi ng kabinete ng tatlong naging pangulo ng bansa. Minsan nang sinabi ni dating pangulong Joseph Ejercito-Estrada na si Mar Roxas ang pinakamagaling niyang naging miyembro  ng kanyang gabinete. 


Pagdating sa pinagaralan, kasanayan at karanasan sa pulitika, walang puwedeng kumuwestiyon kay Roxas. Madami na siyang napatunayan sa iba’t-ibang proyektong kanyang nagawa. Pero sa kabila ng iyon, marami pa ring bumabatikos sa kanya. Nasimulan na ng kasalukuyang administrasyon ang pagbabago sa bansa kung kaya’t ganun kahalaga ang pagpapatuloy ng nasimulan na natin. Naniniwala akong mapapanindigan ni Mar Roxas ang sinabi niyang kaya niyang matuloy anuman yung nasimulan na mga bagay ng kasalukuyang administrasyon.

Marami mang batikos ang patuloy na natatanggap ni Roxas sa mga Pilipino, hindi naman lahat nang iyon ay may bahid ng katotohanan. Marami kasi sa mga Pinoy ang hindi alam ang katotohanan. Ang iba sa kanila ay nabubulagan dala ng kapangyarihan ng social  media at impluwensiya ng maraming taong kanilang hinahangaan. Mapanghusga ang iba pagkat komo hindi sila natulungan ni Roxas sa panahon na kanilang pangangailangan. Hindi nila man lang naisip na nag-iisa lang si Roxas. Sa laki ng bansa at sa dami ng naapektuhan ng bagyong Yolanda at lindol na tumama sa Bohol, hindi naman isang superhero si Mar Roxas para matulungan niya ang lahat ng iyon? Gustuhin man niyang matulungan lahat, ginawa niya kung ano yung pinakamagaling niya, yung kaya niyang gawin. Hindi siya isang superhero, isa siyang tao. May sariling kahinaan, sabi nga nila sa Ingles, he could only do as much." Ang mahalaga, ginawa niya yung pinakamagaling niya at pinakamakakayanan niya. 
Ano bang meron si Mar Roxas na wala ang iba? Unang-una, nakasisiguro tayong isa siyang Pilipino. Bagamat nakapag-aral sa ibang bansa ng maraming taon, dito sa bansa ipinanganak si Mar Roxas. Wala tayong pagdududa na isa siyang Pilipino. Dahil ipinanganak na nagmumula sa angkan ng mayaman, hindi rin kailangan ni Roxas ang magnakaw sa kaban ng bayan. Hindi siya korap tulad ng iba. Maayos siyang pinalaki ng kanyang mga magulang at nakasisiguro tayo na hindi ito ang tipo na basta na lamang sisirain  ang apelyido  at pangalan na kanilang iningatan ng matagal na panahon. Walang bahid ng korapsyon ang apelyido ng Roxas. Mataas din ang respeto ni Roxas sa ibang tao lalo’t higit sa mga kababaihan. 

Ilan lamang ito sa aking mga hinahangaan kay Mar Roxas. Hindi man masasabing perpekto ang pinili kong suportahan na kandidato, pero para sa akin, mas karapatdapat naman ang kanyang katapatan sa paglilingkod sa kanyang mga kababayan kaysa sa ibang hanay ng mga kandidato. 



No comments:

Post a Comment