Sunday, April 10, 2016

Init ng Panahon, Init ng Eleksyon




Summer na naman! Nararamdaman mo na ba ang matinding init ng panahon? Malamang bago mo pa masagot ang tanong ko, tumatagaktak na ang pawis mo sa kinauupuan mo. Dahil panahon na naman ng tag-araw, bukod sa bakasyon at summer outing, isa pa sa dapat mong pakabangan ngayong panahon ng tag-init ay ang nalalapit na 2016 Presidential Elections. Mayroon ka na bang napipisil sa mga kumakandidato bilang pangulo? Nakapagmuni-muni ka na ba sa ngalan ng kinabukasan ng ating bayan at para na rin sa kinabukasan ng mga kabataan? Kung hindi pa, hindi ka na dapat magsayang ng panahon. Malapit na ang halalan at nasa iyong mga kamay ang unang hakbang sa pagbabago.


Mula sa mga tarpaulin ng mga kandidato na makikita mo sa halos lahat ng sulok ng paligid hanggang sa kaliwa’t-kanan na campaign jingle na maririnig mo, hindi maipagkakaila na damang-dama na ang init ng eleksyon. Handa ka na bang bumoto sa Mayo 9? Gaano mo na ba kakilala ang mga kumakandidato? May kumpleto ka na ba na listahan ng iyong mga iboboto? Narinig mo na ba kung anu-ano ang kanilang mga plataporma? Kanya-kanya na silang istilo kung paano nila mapapabango ang kanilang mga pangalan. Ang bawat isa ay nagpapakilala sa mga tao, iniikot ang buong Pilipinas, nililigawan ang mga tao, sinusuyod ang bawat lugar upang makakuha ng simpatya, pulso ng mamamayan at higit sa lahat ang iyong boto. Mistulang piyesta ang panahon ng kampanya saan mang sulok ng bansa sa dami ng taong gustong mas makilala ang bawat kandidato nang mas malapitan at personal.








Napanood mo ba ang Presidential Debate sa TV5 ilang linggo na ang nakararaan? Isa ako sa milyung-milyon na Pilipino na nanood ng nasabing debate ng mga nagnanais makamtan ang pinakamataas na puwesto sa bansa. Doon pa lang, masasabi kong hindi ako nagkamali sa pagpili kay Mar Roxas bilang aking napipisil sa pagkapangulo. Mahusay si Roxas sa kanyang mga binitiwang salita sa nasabing harapang debate. Kabisado nito ang mga istatistikong kanyang sinabi. Alam na alam niya ang likaw ng kanyang ginagalawang mundo. Hindi niya iniimbento lang ang kanyang mga sinasabi. Nagsaliksik si Roxas kaya naman may kompiyansa ito sa kanyang sarili sa gitna ng naging bakbakan nila at init sa pakikipagtalo noong naganap ang nasabing presidential debate. Hindi tulad nung ibang mga lumahok na trapo (traditional politician), hindi rin matatawaran ang naging malaking ambag  ni Roxas sa kanyang ilang taon na paglilingkod sa gobyerno bilang senador at bahagi ng cabinet ng kasalukuyang administrasyon.

                                                                                                                                                              

Sa hanay ng mga presidentiables, masasabi kong si Roxas na ang ‘best bet’,’ ika-nga nila. Edukado, may puso at konsiyensiya, mabuting tao, mula sa angkan ng mabuting pamilya at kahit pa sabihing ipinanganak ng nakaririwasa sa buhay, marunong makihalubilo sa masa si Roxas. Nakasisiguro ka rin na hindi ito magiging kurakot sapagkat mayroon siyang sariling pera at hindi siya ang tipo ng tao na masisilaw sa kaban ng bayan lalo pa’t mayroon itong magandang reputasyon. Hindi siya ang tipo na basta na lang babalewalain ang pinaghirapang magandang pangalan ng kanyang lolo na dating naging pangulo na rin ng bansa.  Kung abilidad lang at maging ang kakayahan ang paguusapan, hands-down si Roxas ang pinaka may karapatan at sapat na kaalaman sa posisyong kanyang hinahangad.


Bilib ako sa kakayahan at kasanayan ni Roxas bilang isang ekonomista at maging sa kanyang malawak na karanasan sa pagiging pulitiko. Hindi rin pupuwedeng kuwestiyunin ang kanyang pinag-aralan. Graduate siya ng prestihiyosong Wharton University sa Amerika. Naging matagumpay  si Roxas na ekonomista sa ibang bansa ngunit mas pinili nitong manatili sa Pilipinas matapos pumanaw ang kanyang kapatid na isang public servant din.



Malinis din ang record ni Roxas, hindi ito nasangkot kailanman sa anomalya. Hindi kailanman ito nagsalita ng bastos sa kanyang kapwa. May pinag-aralan kasi si Roxas at marunong itong tumanggap ng ‘constructive criticism’ at hindi ito pikon. Para sa akin, si Roxas ang aking pangulo dahil siya ang pinaka masasabi kong angkop bilang maging pangulo ng bansa sa hanay ng mga kumakandidato bilang presidente ng bansa. Sa aking palagay, napapanahon na upang maging pangulo ng Pilipinas si Mar Roxas.


Liberal Party standard-bearer Mar Roxas


Sa patuloy na pag-init ng panahon sa panahon sa tag-araw, nawa’y ating gamitin ang utak sa mahusay na pagpili kung sino ang ating iboboto. Dasal ko, sampu ng mamamayang Pilipino na sana’y maging matagumpay ang darating na eleksyon. Makapili nawa tayong lahat ng isang mahusay, tunay na may malasakit sa kapwa at mabuting ehemplo na magiging lider ng ating bansa. Gabayan nawa tayong lahat ng Panginoon sa ating pagboto.


1 comment:

  1. Wynn casino no deposit bonus codes - JT Hub
    Wynn Casino no deposit bonus 대전광역 출장안마 codes - $3500 deposit bonus · Play for free 김제 출장안마 · 안성 출장샵 Bonus Code: 5020 · Make a minimum deposit of 충청남도 출장마사지 $10 의왕 출장샵 · Claim 50 free spins or

    ReplyDelete