Wednesday, April 20, 2016

Leni Robredo's Tsinelas Leadership





Marahil hindi alam ng nakararami  na nag-umpisa ang programang tinatawag na Tsinelas Leadership ni Cong. Leni Gerona Robredo mula sa namayapa nitong asawang si Jesse Robredo, dating Interior Secretary na pumanaw nang dahil sa isang plane crash ilang taon na ang nakalilipas. Nakilala si Jessie dahil mahilig itong magsuot ng tsinelas, bilang paborito nitong pangyapak. Kilala bilang isang payak na mamamayan, si Robredo ay naging huwaran dahil napakasimple nito at sadyang nakaka-relate ang masa.

Ipinakita ng yumaong si Sec. Jessie Robredo ang tinawag na ‘tsinelas leadership,’lalo’t higit nang tumulong sila sa mga nasalanta ng baha kung saan mas pinipili nito na magsuot ng tsinelas sa halip na boots. Sa suot niyang pangyapak ay handa siyang harapin ang pinakamalalim na bahagi ng baha, handa siyang pumunta maging sa mga lugar kung saan hindi normal na pinupuntahan ng mga tao, ginawan lahat ng paraan ni Sec. Jessie.






Ang pamumuhay ni Sec. Jesse ay simple lang, mula pa noong panahong naging Mayor ito ng Naga City. Payak siya sa kanyang pananamit at palaging nakatsinelas. Dahil dito, mas madali rin niyang naaabot ang mga mamamayan. Ganun rin si Cong. Leni bilang kinatawan naman ng mamamayan sa Ikatlong Distrito ng Camarines Sur sa Kongreso. Simbolo ito ng pagpapakumbaba at pagiging abot-kamay sa kapwa. Kinakatawan din nito mismong mga mamamayanng nasa laylayan ng lipunan—silang mga nakatsinelas—na dapat na nilalapitan at tinutulungan ng pamahalaan. 



Tunay na nakaiilang lumapit ang isang taong nakatsinelas sa taong nakabarong. (Those who wear tsinelas feel shy to approach those who wear the barong). Sabi nga nila, hindi ba, ang mga pinuno ay dapat na higit na mas mapaglingkod at dapat na mas madaling malapitan.

Ang kababaan ng kalooban, kahandaan upang tumulong at walang sawang paglilingkod sa mga nangangailangan--ito ang mga bagay na sumisimbolo sa Tsinelas Leadership na ipinagpapatuloy ni Leni Robredo bilang isang public servant. 

Kaya naman, sa darating na halalan sa May0 9, nawaý ating pagbigyan ng pagkakataon si Congresswoman Leni na makapaglingkod bilang isang Bise-Presidente ng bansa. Bilang isang babae at isang ina, alam na alam ni Leni Robredo ang mga pangangailangan ng bawa't pamilya. Aniya sa debate ng mga tumatakbong bise-presidente, hindi niya kayang pabayaan ang magiging kinabukasan ng kanyang mga anak. Batid ni Leni na nakasalalay sa susunod na pamunuan ng gobyerno ang magiging kinabukasan ng mga kabataan kaya't hindi siya makapapayag na basta na lang mapunta ang lahat ng pinaghirapan ng kasalukyang administrasyon (sa paglilinis ng mga tiwaling tauhan ng pamahalaan, sa pagtulong sa mga nasa laylayan ng lipunan at marami pang iba.)

Kung noong umpisa ay ni wala sa hinagap ni Leni na tumakbo bilang ikalawang pangulo, nang makausap niya si Sec. Mar Roxas at naihayag sa kanya ang misyon at mga plataporma nito sa pagkapangulo, dito niya napagtanto na kinakailangan siya ng kanyang mga kababayan. Dito niya naisip na mas mapapalaganap niya ang Tsinelas Leadership na naumpisahan at iniwanang pamana ng kanyang nasirang asawang si dating DILG Sec. Jesse Robredo. 

Ipinangako sa sarili ni Cong. Leni na hindi mahihirapan ang mga mamamayan na maabot siya kung kinakailangan ng mga ito ang tulong niya. Bilang isang commuter at dahil namuhay siya ng payak, alam na alam at lubos na naiintindihan ni Leni ang lahat ng mga pangangailangan ng kanyang mga kababayan. Hindi siya katulad ng ibang politiko na palagiang dekotse, marunong sumakay ng pampublikong bus si Leni. Sumasakay din siya ng MRT gaya nating lahat. Sa kabila ng natamo niyang mga tagumpay, nananatiling payak mamuhay ang pamilya ni Leni at sa pagnanais niyang makapaglingkod sa mga kababayan, pumayag siyang tumakbo sa ilalim ng partid Liberal upang mas makagawa ng malalaking pagbabago sa lipunan. 

Para sa akin, si Leni ang Vice President ko! Humahanga ako sa galing niya bilang isang abogado, hinahangaan ko rin ang pagiging simple ng kanyang pagkatao at ang kanyang lakas bilang isang babae. Naniniwala akong malaki ang magagawa niya sa pamahalaan kung magkakaroon lang siya ng pagkakataon at pagkakatiwalaan lang siya ng sambayanan sa kanyang pagkandidato bilang bise-presidente. Sabay-sabay nating iangat ang bansa at ibigay ang boto natin kay Leni Robredo ang ika-5 sa balota sa pagka-bise presidente! 



No comments:

Post a Comment